Tuesday, September 19, 2017

LITANYA SA KAMAHAL-MAHALANG PUSO NI HESUS








N: Panginoon, maawa Ka sa amin
B: Panginoon, maawa Ka sa amin

N: Kristo, maawa Ka sa amin
B: Kristo, maawa Ka sa amin

N: Panginoon, maawa Ka sa amin
B: Panginoon, maawa Ka sa amin

N: Kristo, pakinggan Mo kami
B: Kristo, pakapakinggan Mo kami

(tugon: Maawa Ka sa amin.)

Namumuno:
Diyos Ama sa langit…

Diyos Anak na tumubos sa sanlibutan…

Diyos Espiritu Santo…

Santisima Trinidad, iisang Diyos…

Puso ni Hesus, Anak ng Amang Walang hanggan…

Puso ni Hesus, nilalang ng Espiritu Santo sa tiyan ng Inang Birhen…

Puso ni Hesus, na nakikipag-isang tunay sa Verbo ng Diyos…

Puso ni Hesus, na walang hanggan ang Kamahalan…

Puso ni Hesus, Templong Banal ng Diyos…

Puso ni Hesus, Tabernakulo ng kataas-taasan…

Puso ni Hesus, Bahay ng Diyos at Pinto ng langit…

Puso ni Hesus, maalab na siga ng pag-ibig…

Puso ni Hesus, sisidlan ng Katuwiran at Pag-ibig…

Puso ni Hesus, puspos ng kabutihan at pag-ibig…

Puso ni Hesus, kalaliman ng lahat ng kabanalan…

Puso ni Hesus, Karapat-dapat sa lahat ng pagpupuri…

Puso ni Hesus, Hari at Sentro ng lahat ng mga puso…

Puso ni Hesus, sisidlan ng dilang kayamanan ng karunungan at katalinuhan…

Puso ni Hesus, tahanan ng buong pagka-Diyos…

Puso ni Hesus, kinalulugdang lubos ng Diyos Ama…

Puso ni Hesus, na sa Iyong kasaganaan ay nababahaginan kaming lahat…

Puso ni Hesus, hangarin ng mga bulubunduking walang hanggan…

Puso ni Hesus, matiisin at lubhang maawain…

Puso ni Hesus, kayamanan ng tanang tumatawag sa Iyo…

Puso ni Hesus, bukal ng buhay at kabanalan…

Puso ni Hesus, kabayaran ng aming mga kasalanan…

Puso ni Hesus, tinigib ng karuwahaginan…

Puso ni Hesus, na nasugatan ng dahil sa aming mga kasalanan…

Puso ni Hesus, na masunurin hanggang kamatayan…

Puso ni Hesus, na pinaglagusan ng sibat…

Puso ni Hesus, batis ng tanang kaaliwan…

Puso ni Hesus, buhay at pagkabuhay naming mag-uli…

Puso ni Hesus, kapayapaan at pakikipagkasundo namin…

Puso ni Hesus, na inihain ng dahil sa aming mga kasalanan…

Puso ni Hesus, kaligtasan ng mga umaasa sa Iyo…

Puso ni Hesus, pag-asa ng mga namamatay sa Iyong grasya…

Puso ni Hesus, ligaya ng lahat ng mga Santo…

N: Kordero ng Diyos na nakakawala ng mga kasalanan ng sanlibutan,
B: Patawarin Mo po kami, Panginoon namin. (Maawa Ka sa amin)

N: Kordero ng Diyos na nakawawala ng mga kasalanan ng sandaigdigan,
B: Pakapakinggan Mo kami Panginoon namin.

N: Kordero ng Diyos na nakakawawala ng mga kasalanan ng santinakpan,
B: Maawa Ka sa amin.

N: Hesus, maamo at mababang Puso
B: Gawin mo po na ang aming mga puso ay matulad sa Puso Mo.


Panalangin

Makapangyarihan at walang hanggang Diyos, tunghayan Mo ang Puso ng lubhang iniibig Mong Anak at ang mga pagpupuri at kabayaran na kanyang inihahandog sa Iyo, sa ngalan ng mga makasalanan. Maglubag nawa ang Iyong loob at marapatin Mong ipagkaloob ang kapatawaran sa nagmamakaawa sa Iyo, sa ngalan ni Hesukristong Anak mo, na nabubuhay at naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo magpasa walang hanggan. Siya Nawa.

MGA PANGAKO NG MAHAL NA PUSO NI HESUS


MGA PANGAKO NG PANGINOONG HESUS
SA MGA MAY DEBOSYON
SA KANYANG KAMAHAL-MAHALANG PUSO





Ipinahayag ng Panginoong Hesus kay Sta. Margaret Maria Alacoque (1647-1690), miyembro ng Visitation monastery sa France, ang labindalawang pangakong ito sa isa niyang pagpapakita sa mongha. Dahil kay Sta. Margaret Maria, naging higit na laganap ang dati nang debosyon sa Mahal na Puso ni Hesus sa buong simbahan. Sa pagtutulungan ng santa at ng kanyang spiritual director na si San Claude de la Colombiere na isang paring Heswita (1641-1682), lubhang naging tanyag ang debosyon sa paraang natutunghayan natin sa ating panahon ngayon.

1. Pagkakalooban ko sila ng lahat ng biyayang kailangan nila sa kanilang kalagayan sa buhay. (Ang kalagayan o estado sa buhay na binabanggit ay tumutukoy ito sa tanging bokasyon ng isang tao kung saan isinasabuhay niya ang kanyang pagsunod kay Kristo, halimbawa: bilang may-asawa, binata o dalaga, at pari, madre o relihyoso).

2. Pagkakalooban ko ng kapayapaan ang kanilang mga tahanan at muling pag-uugnayin ang mga wasak na pamilya.

3. Aaliwin ko sila sa lahat ng hinaharap nilang hilahil o paghihirap sa buhay.

4. Ako ang magiging matibay na takbuhan nila sa buhay, at lalo na, sa oras ng kamatayan.

5. Igagawad ko ang masagang pagpapala sa kanilang mga gawain.

6. Makakatagpo sa aking puso ang mga makasalanan ng bukal at malawak na karagatan ng awa.

7. Ang mga kaluluwang nanlalamig na ay magiging muling maalab.

8. Ang mga kaluluwang taimtim ay mas madaling makararating sa mataas na antas ng kabanalan.

9. Babasbasan ko ang lahat ng lugar kung saan ang imahen o larawan ng aking puso ay nakatanghal at pinararangalan.

10. Bibigyan ko ang mga paring may matimyas na debosyon sa aking Banal na Puso ng biyaya na magpalambot maging ng mga pinakamatigas na puso.

11. Isusulat ko sa aking puso ang pangalan ng mga magpapalaganap ng debosyong ito.

12. Ipinangangako ko, sa nag-uumapaw na awa ng aking Puso, na ang aking makapangyarihang pag-ibig ay magkakaloob ng biyaya ng pagpupunyagi hanggang sa dulo ng buhay, sa mga tatanggap ng Banal na Komunyon sa siyam na sunud-sunod na Unang Biyernes. Hindi sila mamamatay na walang grasya, o na hindi nakatatanggap ng mga huling sakramento.  ang aking Banal na Puso ang magiging ligtas na takbuhan nila sa kanilang huling sandali.



MGA AWIT SA MAHAL NA PUSO NI HESUS: TRADISYUNAL


MAHAL NA PUSO NI HESUS

Mahal na Puso ni Hesus
kami ay kupkupin
Akitin ang puso namin
nang grasya Mo’y kamtin. (Koro)

Koro:
O Kristo’y dinggin aming panalangin
Laging angkinin ang puso namin.

Banal na Templo’t tahanan
dito’y kalangitan
Aliw nami’t kayamanan
ang tangi mong laan. (Koro)



PUSONG MAHABAGIN NI HESUS

Pusong mahabagin ni Hesus 
Daing nami'y dagling pakinggan 
Ngayo't sa huling oras ng buhay 
Hesus kami'y damayan.

Anong ligaya sa Yo'y magmahal 
Pag-asa nami'y walang kasawian 
Huwag Mong itulot kami'y mawalay 
Sa 'Yong kandungan nais mamatay





NO MAS AMOR QUE EL TUYO (SPANISH)

Simeon Resurrection -— Manuel Bernabe

No mas amor que el tuyo;
O Corazon Divino!
El pueblo Filipino
te da su corazon
En templos y en hogares
te invoque nuestra lengua,
Tu reinaras sin mengua
de Aparri has-ta Jolo.
Ha tiempo que esperamos
tu imperio en el Oriente,
La fe de Filipinas
es como el sol ardiente,
Como la roca firme,
inmensa como el mar
La iniquidad na puede
ser de estas islas dueña
Que izada en nuestros montes
tu clelestial enseña
Las puertas del inflerno
no prevaleceran.


NO MAS AMOR QUE EL TUYO (TAGALOG)
(may iba’t-ibang bersyon ng awit na ito)

Ikaw ang Siyang iibigin
O Pusong Maawain,
Kaya’t ang Bayan namin
Puso sa ‘yo’y hain.
Sa templo at tahanan
Sambitin ang Iyong ngalan
At maghari Kang tunay
Sa aming mutyang Bayan.

Malaon nang hinihintay
Na kami ay pagharian
Paniniwala’y tunay
Ng aming mutyang Bayan;
Parang batong matibay,
Dagat na kalawakan,
Na hindi malulupigan,
Ng aming mga kaaway.
Pagtanghal ng Iyong ngalan
Sa aming kabundukan,
Ang impiyerno ma’y lumaban,
Di magtatagumpay.